Aling Bebang

“pabile…” mahinahong bigkas ng binata. Alintana ang oras na patuloy na kinakain ng kadiliman. Tanging musika ang maririnig mula sa loob ng tindahan, “…na tinuruan mo ang puso ko na umibig ng tunay” — ito na rin ang bumabasag sa katahimikan ng kalye ng Maceda. “…kahit hindi na uso, ito lang ang alam ko”, “pabile nga po”, sambit muli ng binatilyo. “Nak ng puta naman, wala bang tao rito?”, tuligsa ng binata. Patuloy na tumutugtog ang musika, “la-la-la-laaaa, la-la”.

Natapos ang musika, tumahimik muli ang lugar, tila tapos na ang pag-ikot ng plaka. Mga yapak ang maririnig mula sa loob ng tindahan, mayroon ding bulong na hindi maunawaan. Tumitig at sumilip ang binatilyo sa mga butas na gawa sa alambre, nakita niya na may paparating na tao na naka-duster na makulay, may mga bulaklak na naka-imprenta. Hindi niya makita ng buo, isinambit niya, “pabile ho”. Sumagot ang matanda, “ambot sa imo, hindi ako bingi iho, hindi mo ba naririnig ang musika?”, garalgal na pagkakasabi, “mahiwaga ‘yon”, dagdag ng matanda. Nanahimik ang binata na pawang walang narinig. Lumapit na ang matanda, may maiksing buhok ito na tila’y panlalaki, papunta sa kaliwa ang hati nito at kapansin-pansin ang mga puting buhok. Malalim ang mga mata na may pawang may hukay na itim sa mga ibaba nito. Mababatid ang katandaan sa kanyang leeg dahil sa nakalawlaw na mga balat nito. Ang mga kamay ay puno ng mga ugat, siya’y mabagal kumilos ngunit matalas pa rin ang pag-iisip.

“Pabile nga ho ng posporo, ‘yong “Kumando” na sana para magamit ko kung sakaling umulan ule”, ang lalaki ay tila isang dayuhan sa lugar dahil iba ang pagkakasambit nito sa mga salita. “Dos isa, iho”, sagot ng matanda. “Ito po ang bayad”, sambit ng binata na inabot ang bayad na isandaang papel na salapi. “Mukhang naliligaw ka yata, iho.”, sabi ng matanda habang siya’y kumukuha nf panukli sa arinolang gawa sa plastik, kulay pula ito na malayo sa maliit ng bintana ng tindahan. “Hindi naman po, may hinahanap lang po akong tao”, sagot ng binata. “Ganitong oras, sino magbabaka sakaling makipagtaguan sa’yo?”, sambit ng matanda. Kumpleto na ang sukli, “ten, twenty, thirty…” bulong ng matanda upang gabayan ang sarili sa pagbibigay ng sukli. “Hayaan niyo na ho, ako na po ang magbibilang”, sagot ng binata. Habang binibilang ng binata ang mga papel at barya, isang boses ang maririnig mula sa silangang direksyon ng tindahan, “aling bebaaaang!”, matinis at mula sa babae ang boses. Sa gabing tahimik, rinig na rinig ito. “Aba’y parating na pala siya”, ang matanda’y napatingin sa orasan, halos mag-a-alas tres na rin ng madaling araw. “Oras na rin pala”, dagdag ng matanda. Nakatingin lang ang binata mula sa pinanggagalingan ng matinis na boses, siya’y nagsambit na tila’y nagtatanong sa sarili, “Aling Bebang, inang?”. Habang paparating na ang babae, nakaramdam ng pagkalabo ng mga mata ang binata. Noong halos mabalot na ng liwanag ang babae mula sa maliwanag ng poste ng Maceda, siya’y napaupo at napapikit, nasaksihan ng matanda ito at pawang nagulat sa nakita, ang binata’y sumambit, “Mar…ya… i…nang…”

Advertisements

Patintero

Ito'y aking batid,

marahil ika'y manhid.

Dulot sa'yo kasiyahan -

aking angking kabiguan.


Nakatalukbong pahayag,

marikit na pananalita.

Marahil ako'y bulag,

pang-unawa aking sandata.


Iligaw man ang isip,

aking taglay ang marami.

Ito'y tanging sagip

nang hindi mag-baka sakali.


Ikaw ma'y maglaro,

lalo na't mananalo.

Huling halakhak -

magmistulang pahamak.