Milagros

“Makikisuyo nga po ng bayad”, batid ng dalagang kasasakay lamang ng pampaseherong dyip. Mahinahon ang pagkakasambit mula sa magandang boses nito at masasabing nasa bente hanggang bentesingko anyos ang edad nito dahil sa kanyang kutis na medyo maputi. Maliit ang mga mata at medyo makapal ang kilay nito. Mahahaba ang mga braso nito at gayon na rin ang kanyang mga binti. Ang dyip ang pangunahing transportasyon sa lalawigan ng Quezon. Ito ang isa sa mga ikinabubuhay ng mga kalalakihang hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Sa kinasasakyan ng dalaga —nagmistulang lata ng sardinas ang dyip na biyaheng San Antonio. Nakasimangot ang mga mukha ng mga ale at ginang nang sumakay ang dalagang nag-aabot ng bayad. Siya’y nakaupo sa pangalawa sa dulo ng salumpuwit. Tahimik sa sasakyan at naririnig lamang ang mga sasakyang nakakasalubong ng dyip. Ang ibang mga pasahero ay nakapikit at tila’y walang naririnig. Nagpatuloy sa kwentuhan ang mga ale na nanggaling sa palengke ng San Isidro habang ang dalagita’y nag-aabot ng bayad. “Bayad ko po!”, lumakas ang boses nito. Hindi natinag sa pagkwekwentuhan ang mga ale na may kanya-kanyang bitbit na bayong. “Alam mo ba na ang anak niya ang nakatapos na ng abogasya sa Amerika?”, lumakas ang pananalita ng isang ale na tila may ipinagmamalaki mula sa tono nito. “So, sinasabi mo ngayon na may abogado na si Carding?”, sambit ng isang ale na mababatid ang pagtaas ng kilay nito. “Oo, malamang sa malamang, abogado na raw sabi ni Teban”, sagot ng isang ale. “Talaga? Aanhin naman natin ang abogado sa bayan? Ang anak ko ay magiging Enginner na sa susunod na dal’wang taon. Tiyak na mas maraming magagawa ‘yon at tandaan mo… malaki ang kita ng isang Engineer.”, ipinagmalaki ng ale. Napatahimik ang ale na nagkwento sa anak ni Carding, at sabay sambit, “sa bagay…” naudlot ang pananalita nito nang ang dalaga’y nagsalita, “PARA SA TABI, MANONG!”. Dali-daliang huminto ang dyip sa gitna ng daan at bumaba ang dalaga, tumakbo papuntang sidewalk. Sumigaw ang drayber, “Oi puta ka, bayad mo!” Nagtinginan ang mga ale sa loob ng dyip at kanilang nakita na may bente pesos sa kinauupuan ng dalagita. Nakatupi at tanging mukha ni Quezon ang nakikita. Inutusan ng ale na nagmamalaki ng kanyang anak na magiging Engineer ang binata na nahihimbing na sa tulog na kunin ang pera, “pssst, iabot mo nga sa akin ang bente sa tabi mo.”, utos ng ale. Iniabot ng binata ang pera at ito’y pumikit muli. Ito’y ibinulsa ng ale at kumuha ng otso na barya sa kanyang pitaka, “O, ‘yan na manong ang bayad ng dalaga”. Napailing ang drayber at tinanggap ang bayad, siya’y bumulong, “walang jo, mandurugas din pala ‘tong babaeng ‘to”. Napangiti ang mga katabi nito sa passenger seat.

“Putang ina ng mga aleng ‘yon!”, malakas na bulong sa sarili ng dalaga. Siya’y tumayo at nag-abang muli ng dyip. Lahat ng mga dumaraa’y puno at maraming mga kalalakihan ang nakasabit lamang. “Haaay, nakakainis!”, muling sambit ng dalaga sa sarili. Nakabusangot na ang mukha at kanyang itinali ang kanyang mahabang buhok na kulay pilak. Patuloy na nilalamon ng kadiliman ang kalsada at tanging mga nakakasilaw na mga ilaw ng mga sasakyan ang makikita. Patuloy ang pagpara ng dalaga sa mga nagsisidaang mga dyip, subalit ito’y puno at hindi naman siya makakasabit dahil siya’y nakabistida. Napagdesisyunan ng dalaga na siya’y lumakad na lamang pauwi. Walang dumaan na dyip na maaaring sakyan pa, naglakad ang dalaga.

Sa paglalakad ng dalaga, may isang sasakyan na huminto. Ito’y kulay puti, malinis, maingay ang tambucho, at hindi makita ang sakay nito sa kinalolooban. Tanging malakas na musika ang naririnig na hindi maintindihan dahil basag ang tunog nito na nagmumula sa likod ng sasakyan. Ang nagmamaneho ay bumisina, at dahan-dahang bumaba ang bintana nito sa passenger seat. “Milagros! Halika, sakay na!”, boses ng ‘sang lalaki. Dumungaw si Milagros, at nagtanong, “Gardo?”. “Oo, ako ‘to”, sagot ni Gardo na hindi gaanong maaninag ni Milagros ang mukha nito. “Halika na, idadaan na kita sa kanto niyo”, dugtong ni Gardo. “Sa dinami-daming lalaki, ito pang ugok na ‘to”, bulong ni Milagros sa sarili. Bumukas ang upuan mula sa passenger seat, pumasok sa loob si Milagros at isinara ang pinto. “Salamat pero walang kapalit ‘to ha”, pabirong sinabi ni Milagros habang nakataas ang isang kilay nito. Ngumiti si Gardo at kanyang pinaandar muli ang sasakyan.

“Bakit bigla kang nawala sa opisina kanina?”, tanong ni Gardo. “Saka ano ‘yang dala mo, pansit ba ‘yan? Kasi ang lakas ng amoy eh.”, dugtong ni Gardo. “Pasalubong ko kay Inang”, sagot ni Milagros. Napangiti ang lalaki, at sinabi, “Baka pwedeng mai-date na kita, Mila?”. “Anong date sinasabi mo? Itigil mo ‘yang ilusyon mo.”, marahas na sagot ni Milagros. “Saka pwede ba, ‘wag mo akong tawaging Mila, hindi ikaw si Mario.”, mariing dugtong ng dalaga. “Oo, hindi ako si Mario, nasaan ba siya ngayon? Aaaah, oo nga pala, nadestino RAW siya sa kabilang bayan dahil sa utos ni amo, ‘diba?”, sarkastikong sagot ni Gardo. “Bakit ba kasi pinagtiyatiyagaan mo ang boyfriend mo na hindi mo naman kasama sa departamento natin?”, patanong nito. Napapailing lamang si Milagros, at hindi na maipinta ang inis sa kanyang mukha. “Kita mo ‘ko, may sasakyan, mabibili ko pati ang mga gusto mo. Ilang bilaong pansit ba gusto ng inang mo?”, pagmamayabang ni Gardo. Tumahimik na lamang si Milagros dahil siya’y sanay na sa pagbabalat-kayo ni Gardo, sa kanilang opisina, ilang beses na siyang pinadalhan ng mga rosas nito na siya namang iniuuwi sa bahay. “Tinatanggap mo naman ang mga bigay ko, Mila, suot mo nga ang sapatos na binigay ko sa’yo noong makalawa tapos sasabihin mo sa akin na mahal mo ‘yang si Mario?”, “bakit hindi na lang natin gawing realidad ang ilusyon na sinasabi mo?”, diin ni Gardo. “Dito na ako, ilang kanto na lang at malapit na sa bahay, salamat muli”, sambit ni Milagros. Inihinto ni Gardo ang sasakyan at sabay sambit, “Malaman ko lang na saktan ka ng Mario na ‘yan, isasakay ko siya sa ambulansya nila Toto.”, sabi ni Gardo na tila nagbibigay ng motibo na saktan si Mario. “Maging masaya pa sana kayo…”, bulong nito habang nakahawak ng matigas sa manubela ng sasakyan, nanginginig na hindi pinansin ni Milagros na siya namang bumaba ng sasakyan. “Salamat, mag-iingat ka”, sambit ng dalaga.

Tuluyang umalis si Gardo at naglakad si Milagros sa tungong Maceda. Ilang kanto pa ang daraanan na hindi gaanong maliwanag. Tanging buwan ang nagpapaliwanag ng kanyang nilalakaran. Ilang metro pa ay Maceda na, kanyang nakikita na ang mga magagarang ilaw mula sa mga naglalakihang mga bahay sa kaliwa’t kanan ng kalsadang ‘yon. Malinis ang daan at maliwanag ang mga ilaw ng poste, may mga nakaparadang mga sasakyan sa labas ng mga bahay. Kanyang bitbit ang plastik ng pansit para sa inang. Siya’y napatigil dahil may isang lalaki na nasa tapat ng tindahan ng kanyang inang. Kilala niya ‘to, mula sa tindig at pananamit nito. Siya’y sigurado na ang lalaking ‘to ay pamilyar, nakatalikod nga lang at nakatali ang buhok, may salamin, at may makapal na balbas. Siya’y dahan-dahang lumapit at kanyang natunghayan ang pagbagsak ng lalaki. Nang kanyang makita ang pagkabagsak nito, siya’y napasigaw ng “Inang!!”.
Advertisements

4 thoughts on “Milagros

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s