Gardo

Nakatitig sa kisame, tanging yakap ang unan. Sinusubukang maarok ang mga pangyayari. Naglalaro sa isip kung bakit siya ang pinili. “Ano ba ang meron siya na wala ako?“, bulong sa sarili. “Tinanggap naman niya ang mga puting rosas na binibigay ko para iparating sa kanya na siya’y aking minamahal… saan ba ‘ko nagkulang?“, dugtong sa tanong sa sarili. Ipinakita ng kanyang alaala ang mga pagkakataong kanyang nakikita sina Milagros at Mario palabas ng gusali ng kanilang opisina. Kanyang nasaksihan ang mga ngiti sa tuwing sila’y magkasamang naglalakad. At sa tuwing malalaman niya mula sa kanilang mga kasama sa trabaho na siya’y susunduin ni Mario, abot langit ang ngiti nito. Patuloy na napatunganga sa kisame na nagsilbing telebisyon. Ito’y malawak at ito’y pinturado ng puti subalit unti-unti ng nahahaluan ng alikabok kaya’t ito’y hindi na purong kulay. Hindi nababalot ng kadiliman ang kwarto dahil sa lampshade na bumabasag sa hatid na dilim ng gabing malalim. Isang eksena ang kanyang naalala — noong siya’y nag-iwan ng mga rosas sa mesa ni Milagros, kanyang ikanagulat na ito’y inuwi nito. Iyon din ang panahon na nagtapat si Mario ng pagmamahal kay Milagros. Kaya’t siya’y nagtanong muli sa sarili, “kung si Mario ang pinili niya, bakit hindi na lang niya itinapon ang mga ibinigay ko?” Siya ngayo’y tumagilid sa kinahihigaan, mahigpit na niyakap ang unan, at ngumiti na tila may maitim na balak. “Sabi nga nila Toto, kung ang mag-asawa nga naghihiwalay, mga mag-nobyo’t nobya pa kaya?“, mariing sinambit sa sarili. Patuloy niyang pinaglaruan sa kanyang imahenasyon si Milagros sa kanyang isipan, “matitikman din kita, magiging akin ka rin… alam kong gusto mo rin ako…” Siya’y nakatulog sa kakaisip sa dalagita. Patuloy ng nilamon ng gabi ang kanyang pagninilay-nilay.

Tik-tilaok!“, sigaw ng tandang sa ‘di kalayuan ng kanyang tinitirhan. Tumunog ang orasan sa gilid ng kanyang kama, “krrrrriiiiiing… krrrrriiiinnng“, patuloy sa pagtunog ang mga bakal na nagmistulang mga maliliit ng tambol. Ito’y umulit muli matapos ang ilang minuto at humampas ang malaking kamay ng binata. Alas sais pasado na, siya’y bumangon at dumiretso sa palikuran. Mababatid sa mga mukha nito habang nagsasalok ng tubig mula sa balde ng tubig ang ngiting kanyang kinatulugan. ‘Di alintana ang lamig ng tubig mula sa gripo na patuloy na pumupuno ng balde. Una niyang binuhusan ang ulo, kinuha ang shampoo na kanyang binili mula sa bayan ng San Isidro. Nilagyan ang kanyang mga buhok na manipis at malapit ng maubos. Kanyang binuhusan ang katawan na hindi ininda ang kalamigan ng tubig. Iniabot ang sabon at kinuskos sa buong katawan, mula mukha hanggang paanan. Matapos maligo, siya’y dumiretso sa salamin at patuloy na nakangiti na tila’y may planong iniisip. Mahihinuha mula sa kanyang mga ngiti na siya’y nagkulang ng ngipin sa bandang pangil nito sa itaas, parang naputol naman ang isang ngipin sapagkat ito’y kalahati lamang at hindi pantay sa lahat. Nagsepilyo’t itinapis ang tuwalya sa kanyang baywang. Manipis ang katawan ng binata subalit ito’y maputi, mababata ang mga buto nito sa kaliskis na bahagi ng kanyang katawan. Naglakad papuntang damitan at kumuha ng salawal at isinuot. Mabilisang isinuot ang pantalon at barong pang-itaas na kulay itim. Kanyang inayos ang manipis na buhok na tila’y malapit ng mapanot. Isinuot ang mga sapatos na mukhang bota dahil sa pagkakadisenyo nito. Itinali ng mahigpit at madaliang lumabas ng kwarto. Dumiretso sa garahe kung saan naghihintay ang puting sasakyan, at sa tabi’y isang motorsiklo ang nakaparada. Siya’y napaisip, “ano kaya ang dadalhin ko ngayon?“, “hindi gusto ni Milagros ang pagsakay sa motorsiklo“, bulong sa isip. Siya’y sumakay sa puting kotse niya at umarangkada na papuntang trabaho.
Maingay at nagtatawanan ang kanilang mga katrabaho nang siya’y dumating. Siya’y nagtanong, “wala pa si Milagros?“. Sumagot ang isang katrabahong si Jestoni, “wala pa siya, malamang sa malamang, late na naman ‘yon“, “bakit, mag-aabot ka na naman ba ng mga rosas?“, dugtong na patanong. Nagtawanan ang mga kalalakihan at tamang nakangiwi ang mga kababaihan sa kanilang departamento. Siya’y umupo na lamang at humarap sa kanyang typewriter. “O siya, tama na ang tawanan dahil parating na siya“, sabi ni Jestoni. Naglalakad na ng mabilis tungong mesa si Milagros, siya’y nakabistida at napakaayos ng kanyang pananamit. “Saan ang binyag, binibini?“, pabirong sambit ni Jestoni. “Wala, tigilan mo nga ‘ko, hindi maganda ang timpla ng umaga ko.”, sagot ni Milagros. “O, Gardo, timplahan mo nga ng maiinom ‘to.”, sabi ni Jestoni. Patayo pa lang si Gardo mula sa kanyang kinauupuan, sumagot si Milagros, “huwag na, hindi ko kailangan ng inumin“, habang nakabusangot ang mukha. “O siya, magtrabaho na tayo, tapos na ang palabas.”, ang sabi ni Jestoni sa mga kapwa katrabaho niya. Ang ingay ay nabawasan ng nabawasan hanggang may dumaang anghel na nagpatahimik ng lugar. Ang kanyang mga mata ay nakatitig kay Milagros na siya namang padabog na nagtatrabaho. Siya’y tumayo sa kanyang kinauupuan at dinala ang silya sa tabi ni Milagros. “Ano problema, ayos ka lang ba?“, tanong ng binata. “Oo, ayos lang ako, Gardo“, sagot ni Milagros. “Hindi lang kami nagkakaintindihan sa ilang bagay, pero magiging maayos ulit kami“, dugtong ni Milagros. Tanging nakatitig lang si Gardo sa mukha ni Milagros, hindi siya sumagot, pawang hindi niya inintindi ang sinabi nito. Magsasalita pa sana muli si Milagros nang biglang bumukas ang pintuan ng kanilang amo, at sumigaw, “Milagros, may tawag ka mula kay Mario“. Dali-daliang tumayo mula sa kinauupuan si Milagros at hinawakan ang kanang balikat ni Gardo, “saglit lang ha, salamat“, bigkas niya sa binata. Tamang napatungo lang si Gardo na tila’y nabighani sa kagandahan ng dalagita.
Isang oras ang lumipas at lumabas ng silid si Milagros at ang kanilang amo. Hindi maipinta ang mukha ni Milagros at naglakad na lamang tungo sa kanyang mesa. Sa pagkakataong ito, hindi muna lumapit si Gardo at hinayaan ang dalagita. Noong malapit na mag-alas dose, niyaya ni Gardo si Milagros na kumain sa kantina. Tumungo ang dalagita at sila’y nagpunta rito. Hindi nagsasalita ang dalagita buong magdamag kahit noong sila’y nakabalik na sa kanilang trabaho mula sa tanghalian. Hindi pa matatapos ang kanilang oras ng pagtatrabaho, agad na nawala si Milagros sa kanyang mesa at si Gardo nama’y kumaripas ng takbo papuntang paradahan upang yayain ang dalaga na maihatid sa kanyang uuwian.
Kanyang binagtas ang kahabaan ng kalsada ng San Roque, isang dyip ang huminto sa gitna ng daan at kanyang nakita si Milagros na bumaba mula rito. Nabuhayan ng loob ang binata at napangiti muli, siya’y bumuntot mula sa paglalakad ng dalaga. Kanyang pinatili ang bagal nito, inayos niya ang kanyang manipis na buhok mula sa salamin ng loob ng sasakyan, at kanyang nilaksan ang volume ng musikang tumutugtog. Nang siya’y malapit na kay Milagros, kanyang ibinaba ng kaunti ang bintana sa passenger seat, at bumisina. Kanyang sinambit ang mga katagang, “Milagros, halika na” subalit malakas ang musika at nagmukha siyang gunggong. Lumingon si Milagros at nagtanong, “Gardo, ikaw ba ‘yan?”
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s