Remedios

Sa kanyang paglabas ng kanilang silid, napahinto saglit sa tapat ng pintuan si Remedios ā€” tila may bumabagabag. Hindi batid sa kanyang mukha ang edad na trenta’y singko. Ito ba nama’y samahan ng kanyang makinis na kutis na mamula-mula. Ang kanyang mabilog na mga mata na isa ring kinababaliwan ng mga kalalakihan. Ang kanyang mahaba at medyo kulot na buhok na nagsisilbing tagapamagitan ng kanyang sarili sa mga kababaihan. Siya ri’y kilalang kilala ng mga taong bayan dahil sa kanyang taglay na tangkad na hinaluan ng malamang pangangatawan. Bansag nga sa kanya: “ang isa sa mga biniyayaan ng panginoon”. Ang karamihan nga’y patuloy na nabibighani sa kanyang katawan dahil ito’y hindi patpatin o mataba. Lalo na sa kanyang panganganak sa tatlong lalaki, hindi siya makitaan ng mga tao ng pananaba.

Masasabing si Remedios ay pinagpala ng husto dahil sa kanyang gandang pisikal na taglay. Hindi pa rito tapos ang paghanga ng mga tao sapagkat siya’y kabilang sa mga naging iskolar ng bansa na nakapag-aral sa siyudad. Madalang ang mga nakakapag-aral na mula sa kanilang bayan sa siyudad sapagkat ito’y may kamahalan kung hindi ka iskolar. May mga sabi-sabi na kung ika’y mula sa tanyag na pamilya, madali at may pasaporte ka na. Ngunit, si Remedios ay natatangi dahil sa kanyang angking katalinuhan. Samu’t saring mga kwento ang maririnig tungkol sa kanyang pinagmulang pamilya sapagkat sila’y tanyag noong panahon ng Kastila. May mga bulung-bulungan na sila’y nabiyayaan ng yaman dahil sa mga tumayong heneral ng bansa laban sa mga mananakop na mga Kastila. Masasabing isa sa mga naging tagapamagitan ang ama ni Remedios sa mga Kastila. Isang kastila ang naging asawa nito na siya namang ina ni Remedios. Butihing magsasaka ang ama niya, noong kasagsagan ng giyera, may mga kwento na tinulungan ng kanyang ama ang mga sugatang Kastila at Pilipino. Wala mang alam sa larangan ng medisina, siya’y gumamot ng mga sugatan noong giyera sa paanan ng bundok kung saan siya’y sumasaka. Maraming mga kwento ang natutungkol sa ama ni Remedios. Gayon na rin sa kanilang buong pamilya, hindi ito naging hadlang na siya’y maging instrumento ng kapayapaan ng kanilang bayan. Kasama ang kanyang asawang si Don Marcelo, masasabing sila ang naging bayani sa mga mata ng kanilang mga kababayan.

Donya Remedios?”, tanong ng isang matandang nakadaster. Sadyang nakatunganga si Remedios sa kawalan ng siya’y lumabas ng kanilang silid. Pawang nag-alala saglit subalit may maliit na malademonyong ngiti ang mababata sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha. “Donya…“, hindi na natapos ng matanda ang kanyang pagbatid ng ngalan ni Remedios. “Narinig kita, Aling Rosing. Nasaan ang mga bata?“, mariing tanong ni Remedios. “Sila po’y pinapakain ng aking mga anak, sila’y nasa hapagkainan na po.“, sagot ni Aling Rosing. “Mabuti. Si Gaspar, siguraduhin mo na maturuan siya ng gurong sasadya mamayang alas tres. ‘Wag puro paglalaro, naiintindihan mo?“, mariing batid ni Remedios sa matanda. “Opo, nagkataon lang po na ang aking bunso ang pumalit sa isang anak ko na nagliliyab sa lagnat simula po noong makalawa.“, sabi ni Rosing na pawang humihingi ng paumanhin sa tono ng pananalita nito. “Kumusta siya, sii Agnes ‘yon di’ba?“, tanong ni Remedios kay Aling Rosing. “Ay hindi po, si Agnes po ang panganay ko, Donya Remedios. Siya po ang nag-aalaga kay Baltazar.“, sagot ng matanda. “Puro kasi babae ang mga anak mo, ano ang pangalan ng anak mo na nag-aalaga ngayon kay Gaspar?“, tanong ni Remedios na tila napahiya sa kanyang sagot. “Si Bebang po ang aking bunso, Donya Remedios. Mag-disiotso pa lamang siya sa susunod na buwan. Eee, wala na po kasing sumunod sa kanya kaya gayak na gayak siya noong siya’y naatasan ko’ng mag-alaga kay Gaspar.“, nakangiting sagot ni Aling Rosing. “Ayaw ko na makikipaglaro ang aking anak, siguro matapos ang pag-aaral, maaari ito pero hangga’t hindi natatapos ang leksyon sa gurong binabayaran naming mag-asawa, ayaw ko makitang naglalaro lamang ang anak ko.“, pasupladang sagot ni Remedios. “Naiintindihan ko po, pasensya na po.“, nagmakaawang sambit ng matanda. “Sabihan mo si Berto na kami ay aalis alas dos empunto.“, utos ni Remedios. “Masusunod po.“, sagot ni Aling Rosing.

Leave a comment